Hindi ako makatulog. Parang may malaking alon ng mga damdamin ang rumaragasa sa bawat sulok ng isip ko. Iniisip pa din kita. Iniisip ko kung gaano kasarap na hawakan ang kamay mo, kahit na ramdam ko sa paghawak mong wala kang nararamdaman pabalik. Iniisip ko yung nginig ng buong katawan ko tuwing madadampi ito sa katawan mo; kung gaano kasarap sa pakiramdam na kumanta nang isang dangkal lang ang layo sa mukha mo. Hanggang ngayon, pinapaulit ulit ko ang bawat pangyayari. Nakakatawa dahil kung ano pa yung pinakamabibilis na naganap ay sila pang pinakanagtatagal sa isip ko.
Hindi ko na mabilang ang mga beses na pinatigil ko ang puso kong isigaw yang pangalan mo, at kung ilang beses kong sinuway yung sarili kong utos para mahalin ka ulit. Na naman. Paulit ulit na lang.
Alam kong dapat na kitang kalimutan. Para akong nagmamahal nang lalaking may asawa na, dahil alam kong kahit hindi kayo maaaring ikasal, hinding hindi ka bibitaw sa kanya.
Pero mas alam ko na hindi mo lang talaga makita ang dahilan para mahalin mo ako.
Pero tuwing nakikita kita sa isip ko: yung mga mata mong misteryoso, yung ngiti mong nakakaloko, yung maliliit na buhok na nakabalot sa baba mo... Hindi ko mapigilan. Masasaktan ako pero hahayaan ko. Wala na kong ibang gugustuhin kundi titigan ka hanggang sa wakas na magsawa ako.
///
nadala lang ako kay lang leav wait yung feels ko
anyway, confirmed, hindi pa ko nakakamove on.
bye.
No comments:
Post a Comment